MANILA, Philippines- Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Linggo na gumugulong na ang hot pursuit operations laban sa dalawang armadong grupo na sangkot sa barilan sa Pandag, Maguindanao del Sur, kung saan dalawang indibidwal ang nasawi.
“We are in continuous pursuit operation. As of this time, patuloy pa po ang operations natin so hindi pa natin maibibigay ang [our operations are ongoing so we still can’t give] complete details other than what was stated yesterday,” pahayag ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla sa isang panayam.
Base sa Philippine Army, nakipagsagupaan ang armadong grupong sumusuporta sa armed chairman ng Barangay Lower Dilag sa grupo ng nagngangalang Morsid Mamalinta noong Sabado.
Natukoy ang isang namatay bilang kandidato sa pagka-municipal councilor, habang hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima. Sugatan naman ang isa pang indibidwal habang pito ang naaresto kasunod ng engkwentro.
Ipinaliwanag ni Padilla na posibleng paigtingin ng AFP ang deployment ng personnel nito sa mga lugar na may seryosong banta para sa eleksyon.
“Depending on the category of the area, doon din nagde-depende ang deployment natin. So kung mas malakas ang threat and the risk factor dito sa particular area, mas malaki din ang deployment natin doon,” dagdag niya.
“Monitored threats from local terrorist groups and lawless elements are being addressed with appropriate contingency measures as we work in dual mode—election and combat mode,” ayon pa sa opisyal. RNT/SA