Home METRO 2 babae patay sa kapitbahay sa Albay

2 babae patay sa kapitbahay sa Albay

309
0

ALBAY, Philippines – Patay ang dalawang babae matapos pagbabarilin ng lalaking kanilang kapitbahay na umano’y adik sa iligal na droga, iniulat kahapon sa Tabaco City.

Binawian ng buhay habang nilapatan ng lunas sa ospital ang mga biktima na kinilala sa mga pangalan, Daisy, 30, may-asawa, at Nerissa, 35, soltera, habang tugis naman ang suspek na kinilala sa pangalan Luis, 43, at kapwa magkakapitbahay sa Barangay San Roque, Tabaco City.

Ayon kay Plt. Colonel Edmundo Cerillo Jr., hepe ng Tabaco City Police Station, bandang 9:58 PM noong Lunes Oktubre 28, 2025 naganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang suspek at kapitbahay nito sa bahay ng kanyang kapatid sa nasabing lugar.

Inaya umano ng suspek ang kapitbahay na bumili ng shabu kay Daisy na noo’y nakikipag-inuman malapit sa naturang lugar.

Tinanggihan umano ni Daisy ang suspek na bentahan ng shabu na ikinagalit ng huli hanggang sa binalikan nito ang biktima bitbit ang baril.

Dito, pagkakita ng suspek sa mga biktima sa eskinita pinagbabaril ang mga ito sa iba’t ibang parte ng katawan saka tumakas.

Nagawa naman isugod ng mga rumespondeng otoridad ang mga biktima sa ospital pero makalipas ang ilang oras ay nalagutan din ng hininga ang mga ito.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang manhunt operation ng mga pulis laban sa suspek para sa agaran pagdakip at managot. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here