Naghain si Senadora Camille Villar ng Senate Resolution No. 99 na humihimok sa Senado na imbestigahan ang lumalalang krisis sa kalusugang pangkaisipan sa bansa at palakasin ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas upang gawing mas madaling ma-access at abot-kaya ang mental health care sa mga Pilipino.
Ayon kay Villar, halos 2,000 Pilipino ang namatay sa pagpapatiwakal sa unang kalahati ng 2025, habang 3.6 milyon naman ang may sakit sa isip, neurological, o substance use disorders.
> “Ang kalusugang pangkaisipan ay hindi na isang hindi nakikitang isyu, ito ay isang tahimik na krisis na nangangailangan ng pambansang tugon,” ani Villar.
Binigyang-diin niya na bagaman may Mental Health Act of 2018 at Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, nananatiling problema ang mahinang pagpapatupad at kakulangan sa pondo.
Kasabay nito, inihain din ng senadora ang Comprehensive Mental Health Benefit Act (SBN 328) upang palawakin ang saklaw ng PhilHealth para sa mga psychiatric at psychological services.
> “Ang pagtatanong na ito ay makakatulong sa atin na matukoy kung ano pa ang kailangang gawin upang ang bawat Pilipino, anuman ang kita o pinagmulan, ay makatanggap ng tulong at paggaling na nararapat sa kanila,” dagdag ni Villar.
Nanawagan siya ng koordinadong aksyon mula sa DOH, PhilHealth, at iba pang ahensya upang mabawasan ang stigma at mapabuti ang mental health programs sa bansa. Cesar Morales