Home METRO 2 babae patay sa saksak sa condo sa Cavite

2 babae patay sa saksak sa condo sa Cavite

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang babae sa loob ng kanilang condominium unit matapos pagsasaksakin sa Imus, Cavite.

Ayon sa ulat, ang isa sa mga suspek ay ang babaeng live-in partner ng isa sa mga biktima.

Tumambad ang mga duguang bangkay ng biktimang sina Aldena Popelo, 44-anyos, at Kerby Salvador, 19-anyos, matapos buksan ang condo unit noong Agosto 8.

Nagkalat ang dugo ng mga biktima sa ilang bahagi ng unit kasama ang isang icepick sa crime scene na posibleng ginamit sa krimen.

Sa CCTV footage, nakitang pumasok ang dalawang suspek sa naturang condo unit pasado alas-10 ng gabi noong Agosto 7.

Nakapasok ang isa sa kanila na nakasuot ng damit na kulay pula. Pagkalabas ay pinatay nito ang ilaw sa hallway.

Pagsapit ng alas-11 ng gabi ay lumabas ang dalawa at umalis na habang nagpupunas pa ng sahig ang nakapulang suspek.

Agad na itinawag sa Imus City Police ang krimen nang madiskubre ng ilang kapitbahay ng unit.

Dumating din ang kapatid na nakatira sa unit.

Napag-alaman na ang nakapulang suspek ay ang babaeng live-in partner ni Popelo.

Tinutugis na ang live-in partner ng biktima, at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek.

Inaalam din ang motibo sa krimen. RNT/JGC