Home NATIONWIDE 2 babae pinagsasaksak nang manlaban sa tangkang panggagahasa

2 babae pinagsasaksak nang manlaban sa tangkang panggagahasa

BATANGAS- SUGATAN ang dalawang babae matapos pagsasaksakin ng dalawang suspek sa tangkang panggagahasa noong Martes sa magkahiwalay na lugar.

Sa Sto. Tomas City, Batangas, sugatan ang 23-anyos na babae matapos pasukin ng lalaking kapitbahay habang naliligo sa banyo at tinangkang gahasain.

Batay sa report, naliligo ang biktima sa labas ng inuupahan nitong kuwarto ng pasukin ng suspek subalit nanlaban ito.

Kinuha ng suspek ang upuan at pinalo sa ulo ang biktima saka niya ito kinaladkad papasok sa kuwarto ng biktima at doon tinangkang gahasain.

Sa kabila ng sakit na nararamdaman sa ulo nagawa pa rin magpupumiglas ang biktima hanggang sa pagsasaksakin ito ng suspek sa iba’t ibang parte ng katawan saka tumakas ang suspek.

Ayon kay Police Major Emil Mendoza, Deputy Chief ng Sto. Tomas City Police, mag-isa lamang ang biktima sa kanyang bahay dahil ang live-in partner nito ay nasa trabaho.

Dinala naman ng mga rumespondeng pulis ang biktima sa ospital at ngayon ay nagpapagaling habang tugis naman ang suspek.

Sugatan din ang 19-anyos na babae sa Malaybalay City, Bukidnon, matapos pagsasaksakin ng suspek na nakilala lamang nito sa social media.

Kwento ng biktima, nakilala lamang niya ang suspek sa social media at pumayag siyang makipagkita sa pangkong bibigyan siya ng trabaho.

Subalit, isinakay siya ng suspek sa motorsiklo saka dinala sa liblib na lugar sa bahagi ng Barangay Jose, ng nasabing lungsod at tinangkang gahasain.

Nagawa naman manlaban ng biktima kaya pinagsasaksak ito ng suspek saka tumakas.

Nakita naman ng tricycle driver ang biktima na duguan at tinulungan itong dalhin sa ospital.

Tugis na ng mga pulis ang suspek.

Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na maging mapagmatyag sa kanilang paligid at huwag basta magtitiwala sa taong hindi lubos na kakilala para hindi mabiktima ng mga taong mapagsamantala./Mary Anne Sapico