Home NATIONWIDE Moving up rites dapat “simple” lang, walang “money garlands”- grupo

Moving up rites dapat “simple” lang, walang “money garlands”- grupo

Dapat maging “simple” ang moving up rites ng mga estudyante ,ayon sa National Parent Teacher Association (PTA) ,kasunod ng nag-viral sa social media na “money garlands” na ibinibigay sa mga mag-aaral na nagtapos.

Bagamat hindi pinagbabawalan ang mga magulang na magbigay ng kakaibang regalo tulad ng “money bouquet” at “money garland” sa kanilang mga anak—hinimok ni National PTA executive vice president Lito Senieto ang mga magulang na maging maunawain sa ibang estudyante na hindi nagmula sa marangyang pamilya.

“Lalo na po sa ating public schools naman, karamihan naman d’yan mga nakaraos lang, so anong tingin ng bata ‘pag nakakita sya ng ganoon? Iniisip n’ya na baka in a few months hindi siya makapag-enroll,” sinabi ni Senieto sa TeleRadyo Serbisyo.

“Yung iba naman sa magulang, they feel pity sa kanilang anak dahil wala silang mai-offer… Yun ang hindi magandang tingnan kasi yung magulang nalulumo rin ‘pag nakita mo na lalo na’t katabi ng anak mo yung batang ‘yun,” sabi pa ni Senieto.

Idinagdag pa ni Senieto na may direktiba ang Department of Education na simple lang at hindi magarbo ang paggawa ng graduation,moving up ceremony sa bawat iskol.

Nauna nang pinaalalahanan ng DepEd ang mga eskuwelahan na magsagawa ng simple ngunit makabuluhang graduation at moving up exercises sa pagtatapos ng kasalukuyang academic year.

“So, ibig sabihin lang niyan they should be avoiding extravagant events at hindi kailangan ng mga special attires para magkaroon ng makabuluhan na graduation,” Education Assistant Secretary and Deputy Spokesperson Francis Cesar Bringas sa televised briefing.

Tiyak din aniyang ipapatupad ang no collection policy kaya wala dapat kontribusyon na mangaggaling sa mga mag-aaral o sa kanilang mga magulang sa pagsasagawa ng year-end exervises dahil ito ay tinutustusan ng school MOOE—na nakapaloob sa pondo ng mga eskuwelahan.

Binigyan-diin din ng opisyal na una nang naglabas ng abiso ang DepEd na magsagawa ng year-end exercises indoors at i-adjust ang kanilang iskedyul dahil na rin sa sobrang tindi ng init ng panahon ngayon.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)