MAYNILA- UMAASA ang Philippine National Police (PNP) na mapabilis ang pagdakip sa pagpatay sa police escort ng alkalde, iniulat noong Martes.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, patuloy ang ginagawa nilang manhunt operation laban sa mga suspek na pumaslang kay Staff Sgt. Zahraman Diocolano, 39, ng Maguindanao Norte Provincial Mobile Force Company (PMFC) at nakatalaga bilang security escort ni Datu Odin Sinsuat Mayor Lester Sinsuat.
Tiniyak naman ni Fajardo na hindi ilalantad ang pagkakakilanlan ng sinuman na nagbibigay ng impormasyon sa pinagtataguan ng suspek.
Aniya, hindi lamang ito usapin tungkol sa pera kundi ang malasakit ng publiko at makatulong sa pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya.
Nag-alok ang pamilya ng biktima ng P500,000 na pabuya para sa pag-aresto sa mga umano’y utak ng krimen na si Ansawi Limbona alyas ‘Jojo’ na may standing arrest warrant na inisyu ng korte noong Mayo 6.
Tugis din ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek na kasabwat umano ni Limbona.
Matatandaan na noong Enero 2, 2024, mayroon pagtitipon sa bahay ni dating Rep. Ronnie Sinsuat sa Cotabato City para pag-ayusin ang away-pamilya o rido sa pagitan ng alkalde at pamilya ng kanyang uncle na namatay na si Datu Jamael Sinsuat.
Bigla na lamang dumating ang armadong kalalakihan at binaril si Diocolano na nasa labas ng compound.
Una nang inaresto ng mga pulis at mga miyembro ng Philippine Marines ang apat na salarin kabilang si Army Private 1st Class John Carlo Nocum, 31, miyembro ng 2nd Mechanized Infantry Battalion, at tatlong iba pa./Mary Anne Sapico