Home NATIONWIDE Guo tatalupan ng BIR

Guo tatalupan ng BIR

Kuha ni Cesar Morales l Remate File Photo

MANILA, Philippines  -IPINAHAYAG ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagsasagawa sila ng imbestigasyon hinggil kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo gayundin sa kanyang mga kompanya.

Nabatid sa BIR na pinapaimbestigahan ni commissioner Romeo Lumagui ang mga pangalan at kompanyang binanggit sa imbestigasyon ng Senado sa umano’y human trafficking at mga aktibidad na kriminal na iniuugnay sa mga offshore gaming operations, kabilang ang mga umano’y nauugnay kay Guo.

“If the income declared with the BIR does not match the value of the properties amassed during the same taxable years, criminal cases for tax evasion will be filed,” ani Lumagui.

Aniya, makikipagtulungan ang BIR sa imbestigasyon ng senado kay Guo. Sinabi ng tax bureau na tinatanggap nito ang lahat ng impormante, mula man sa pribadong sektor o ahensya ng gobyerno, na maaaring magbigay ng mga kinakailangang dokumento at ebidensya sa pag-audit kay Guo at sa mga kompanyang binanggit niya.

Si Guo ay nagmamay-ari ng 16 na sasakyan batay sa mga dokumentong nakalap ng tanggapan ni Sen. Risa Hontiveros, tagapangulo ng Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality.

Ngunit sinabi ni Guo na hindi na niya mga asset ang mga ito at bahagi na ng buy-and-sell business ng Westcars, kung saan siya ay isang incorporator.

Sinabi ng alkalde na mayroon din siyang piggery, meat shop, farms, at embroidery business.

Sinabi ng 37-anyos na alkalde sa Committee na nagawa niyang makipagsapalaran sa iba’t ibang negosyo sa tulong ng kanyang ama na nagbigay sa kanya ng pera. Aniya, ang kanyang ama ay may negosyong tela at pagbuburda sa China. Jay Reyes