Bulacan – Nagkalasog-lasog ang dalawang bahay na may naninirahang tatlong pamilya kabilang ang mag-asawang matanda matapos umanong salakayin ng malakas na ipu-ipo sa bayan ng Obando.
Ayon sa ilang residente sa lugar, naganap ang insidente bandang 8:00 ng gabi nitong Agosto 2, sa tabing ilog sakop ng Brgy. Paliwas.
Anila, inumpisahan ng mga nagngangalit na kulog, kidlat at pag-ulan hanggang sa umatake ang sinasabing ipu-ipo na sumira ng bahay ng matandang si Mang Fabian at bumaklas ng bubong ng kapitbahay.
Nalamang sa kasagsagan ng ipu-ipo ay dinaganan ng matandang lalaki at kanyang kabiyak ang kanilang limang apo para hindi umano tangayin habang ang iba ay agad lumikas sa ligtas na lugar.
Sa tagal na umano nilang naninirahan sa lugar ay ngayon lang naranasan ang ganitong napakalakas na hangin na humuhuni nang paikot at nangwasak ng mga kabahayan.
Nang makarating sa Obando MDRRMO ang nangyari ay agad silang nagpadala ng rescue team sa lugar kaya nailikas at dinala sa kanilang tanggapan ang 13 indibiduwal mula sa tatlong pamilyang apektado.
Kinabukasan naglutangan sa kalapit na palaisdaan ang mga bahagi ng bahay na nawasak ng ipu-ipo. Dick Mirasol III