Home NATIONWIDE 2 buwang sahod ng solon alok na pabuya sa makapagsasabi kung paano...

2 buwang sahod ng solon alok na pabuya sa makapagsasabi kung paano nakatakas si Guo

MANILA, Philippines- Iniaalok ni Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez ang kanyang dalawang buwang sahod sa Kamara bilang pabuya sa sinumang indibidwal sa Bureau of Immigration (BI) na makapagsasabi kung paano nakatakas ng Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa ika-pitong House Quad Committee hearing na maagang natapos nitong Sabado, ikinagalit ni Fernandez ang umano’y “lapses” ng Bureau of Immigration (BI), na posible umanong tumulong kay Guo at kanyang mga kasamahan na makatakas noong Hulyo.

“I’ll be allotting my two-month salary,” wika ni Fernandez. “Sa mga matitino natin na mga kababayan na nandiyan sa Bureau of Immigration na makakapagturo kung paano nakatakas si Alice Guo using our airports or seaports, iyong dalawang buwan na sweldo ko, ibibigay ko sa inyo.”

Sa Sept. 9 Senate hearing, kinumpirma ni Guo na umalis siya kasama ang mga kapatid umano niyang sina Wesley at Shiela, sa bansa sa pagdaan sa dagat.

Inilahad ni Guo na sumakay sila ng yate sa isang port sa Metro Manila bago sumapit ang alas-10 ng gabi, noong Hulyo.

Paglalahad pa niya, kalaunan ay lumipat sila sa mas malaking bangka, sa hindi niya tiyak na lokasyon.

Habang sakay ng bangka, ibinahagi ni Guo na ilang araw silang nakakulong sa isang silid, kung saan hindi umano sila pinayagang gamitin ang kanilang mobile phones.

Ayon pa kay Guo, sumakay sila kalaunan sa isang maliit na bangka patungo sa Malaysia.

Iginiit niyang walang Filipino o Philippine government official ang tumulong sa kanilang makatakas ng bansa. RNT/SA