MANILA, Philippines – Naaresto ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang Chinese nationals sa anti-human trafficking operation sa loob ng hinihinalang illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) facility sa Pampanga nitong Martes, Hulyo 30.
Sa ulat nitong Miyerkules, sinabi ni CIDG chief Maj. Gen. Leo Francisco na ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “Tiago” at “Tian Zhu” na naaresto sa bisa ng pitong search warrants na inisyu ng Guagua, Pampanga Regional Trial Court sa loob ng isang subdivision sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat City bandang 5:30 ng umaga.
Nasagip sa operasyon ang 13 Chinese nationals, kabilan ang dalawang babae at tatlong menor de edad.
Nakuha ng mga awtoridad ang mga vault, iba’t ibang foreign currencies, assorted documents, computer sets, cellphones, mga gadget, at cash na nagkakahalaga ng P167,400.
Dinala sa CIDG Anti-Organized Crime Unit sa Camp Crame ang mga suspek, mga nasagip, at mga narekober na gamit para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. RNT/JGC