CAVITE, Philippines – Dalawang tindahan ng alfamart ang magkasunod na hinoldap ng dalawang armadong kalalakihan sa lungsod ng Bacoor.
Ayon sa report ng pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang pasukin ng 2 suspek na nagpanggap na mga kustomer ang Alfmart sa Brgy. Molino 5 Branch.
Sa ulat, nagpanggap ang mga ito na kustomer at magkasunod na pumasok sa nasabing establisiyemento na kunwaring bibili at nang makatiyempo ay dumiretso ang mga ito sa counter at tinutukan ng maiksing baril ang Cashier na si alyas Drix, 37 anyos hanggang sa nagdeklara ng hold up.
Nilimas ng mga suspek ang laman ng cash box bago mabilis na tumakas.
Dumiretso ang mga ito sa isa pang Alfmart sa Queensrow East Branch at muli, pumasok ang mga suspek at nagpanggap na kustomer.
Nang makaikot sa loob ng establisiyemento, agad lumabas ang isang suspek at pinaandar ang dalang motor habang ang isa pang suspek at dumiretso sa counter at nagdeklara ng hold up.
Mabilis na nalimas ng suspek ang pera sa cash box at mabilis na tumakas. Sakay ang mga suspek ng itim na NMAX V1. Kapwa mga naka itim na helmet, itim na jacket at tshirt ang mga ito. MARGIE BAUTISTA