MANILA, Philippines – Tinabla ng Malakanyang ang sinabi ni dating Senate President Chiz Escudero na ‘script’ ng pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na si dating Hosue Speaker Martin Romualdez ang imbestigasyon ng Kongreso ukol sa flood control projects.
Direktang pinangalanan kasi Escudero si Romualdez sa kanyang privilege speech ang nasa likod ng maanomalyang flood control projects.
Sa manifestation ni Escudero sa plenaryo, pinangalanan niya si Romualdez na nasa likod ng kaguluhan, pag-aaway at pagkakawatak-watak ng institusyon habang inililigtas ang sarili sa katiwalian ng mga ghost projects.
“Hindi po kasi nadadaan sa magandang talumpati, hindi nadadaan sa pagtuturo ang pagpapanagot sa mga nasabing umabuso ng pondo kung hindi sa pamamagitan ng sapat na ebidensiya,” ang sinabi ni Castro.
“So, ang mga ebidensiyang ito, maaari naman pong ibigay sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ang ICI naman po ay isang independent commission na maaaring tumingin ng lahat ng mga evidence, facts, records para matumbok kung sino ang dapat na mapanagot,” aniya pa rin.
“Kung iyan po siguro ang kaniyang napapansin at nakikita, malamang hindi naman din po iyan ang napapansin ng iba. Sabi nga po natin, sa ngayon lahat po ng naituturo, lahat ng nababanggit na pangalan dapat nating ikonsidera na inosente. They should be presumed innocent until proven guilty. Let us go to where the evidence leads us,” aniya pa rin.
Sa ulat, ang tanong kasi ni Escudero ay kung bakit tila nasesentro sa mga senador ang isyu gayong ang tunay na nasa likod ng “script” at sarswela ng flood control projects na si Romualdez ay hindi man lang napatawag, naimbestigahan at nasampahan ng kaso.
Iginiit ni Escudero na maraming beses na binanggit ng iba’t ibang resource persons sa mga imbestigasyon ang pangalan ni Romualdez ngunit sa huli ay binabawi at nagagawan aniya ng paraan para mailihis at hindi masama ang pangalan ni Romualdez sa anomalya ng ghost flood control.
Partikular na tinukoy ni Escudero ang pagbanggit noon ng mag-asawang Discaya at ni dating Philippine Marines Technical Sergeant Orly Regala Guteza kay Romualdez patunay na sangkot ito sa katiwalian ng mga substandard at palpak na proyekto.
Samantala, handa naman ni Escudero na depensahan ang kaniyang sarili at sa katunayan ay inihahanda niya ang mga kaso laban sa mga nag-aakusa at nagdadawit sa kanya ng mga malisyoso at walang katotohanan na alegasyon. (KRIS JOSE)