Home METRO 2 dalaga ‘bugbog-sarado’ sa kanilang nobyo

2 dalaga ‘bugbog-sarado’ sa kanilang nobyo

Bulacan – Bugbog ang dalaga matapos sakalin at ibalibag sa pintuan ng kanyang kasintahan sa kasagsagan ng pagtatalo nila sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ng pulisya ang biktimang si alyas “Mamvy”, 27, single, habang ang suspek na kanyang live-in partner ay si alyas “RB”,45 kapwa residente ng Brgy. Graceville.

Sa report ng pulisya, naganap ang insidente bandang 8:30 ng umaga nitong Marso 29 sa Brgy. Graceville ng lungsod.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sa kasagsagan nang mainitang pagtatalo ng magkasintahan ay biglang sinakal ng lalaki ang biktima.

Hindi pa nakuntento ang suspek at itinulak ang biktima hanggang sa masaldak sa pintuan na kanyang ikinasugat.

Nang saglit na humupa ang komosyon ay agad nagsumbong ang biktima sa mga opisyal ng barangay na rumesponde sa lugar kaya naaresto ang suspek.

Samantala, gulpi-sarado rin ang 25 anyos na dalagang itinago sa pangalang “Daisy” ng Caloocan nang sakalin, pagsusuntukin, tinutukan ng kutsilyo, binantaan at ikinulong sa bahay ng nobyong kaalitan na si alyas “Mario”, 28, ng Brgy. Muzon nitong 8:00 ng umaga sa kaparehong petsa

Kapwa humihimas na ng rehas ang mga suspek na nahaharap sa kaukulang kaso habang nakakulong sa istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III