Home METRO Vietnamese national na wanted sa rape at kidnapping, arestado ng BI sa...

Vietnamese national na wanted sa rape at kidnapping, arestado ng BI sa NAIA

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Vietnamese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa pagkidnap at panggagahasa sa isang babaeng Chinese dalawang taon na ang nakararaan.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pasahero na si Nguyen Hu Mai, 48, na naharang noong Marso 21 sa NAIA Terminal 3 habang nagtangkang tumakas sakay ng Cebu Pacific flight papuntang Saigon.

Sinabi ni Viado na si Nguyen ay agad na isinangguni sa mga superbisor ng BI para sa pangalawang inspeksyon matapos ang kanyang pangalan ay lumabas na positive hit sa centralized derogatory database ng BI.

“Our supervisors were able to establish that the passenger and person appearing in our watchlist are one and the same,” ani Viado. “He was thus stopped and arrested by our airport personnel,” dagdag pa ng opisyal.

Agad na itinurn-over si Nguyen sa border control and intelligence unit (BCIU) ng BI at kalaunan ay inilipat sa detention facility ng bureau sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ayon kay BI-BCIU chief Ferdinand Tendenilla, si Nguyen ay nasa wanted list ng BI mula noong Marso 10 nang kasuhan siya at dalawang Chinese national ng deportation dahil sa pagiging undesirable alien dahil sa kanilang pagiging pangunahing suspek sa kasong kidnapping at rape.

Inakusahan ng mga imbestigador ng pulisya na noong Marso 2, 2023, ang tatlong dayuhan ay nagsabwatan sa pagkidnap sa isang babaeng Chinese sa loob ng kanyang condominium unit sa Makati City at kalaunan ay dinala siya sa isang liblib na lugar kung saan ilang beses nilang ginawang sekswal ang biktima.

Nabatid na humingi rin sila ng ransom money na nagkakahalaga ng P4 milyon sa mga kaanak ng mga biktima kapalit ng pagpapalaya nito.

Sinabi ni Tendenilla na mananatili si Nguyen sa kustodiya ng BI hanggang sa mareresolba ng korte ang mga reklamong kriminal laban sa kanya. Kapag napatunayang nagkasala, kailangan muna niyang pagsilbihan ang kanyang sentensiya bago siya ma-deport.

“He will also be placed in the immigration blacklist and banned from re-entering the country as a consequence of the deportation charge filed against him,” ayon pa kay Tendenilla. JR Reyes