ILOCOS SUR-Kalawit ni Kamatayan ang sumalubong sa dalawang lalaki matapos na magkasalubong at magbangga ang minamaneho nilang motorsiklo sa national highway sa Brgy. Basug ng lalawigang ito kagabi, Hulyo 19.
Ayon sa Santa Municipal Police Station, ang 29-anyos na security guard na driver ng Euro 125 Daang Hari ay residente ng Brgy. Banaoang, Santa, Ilocos Sur samantalang ang 36-anyos na driver ng Honda Click ay residente naman ng Brgy. Sacuyya Norte, Santa, Ilocos Sur.
Base sa kuha ng CCTV, ang Honda Click ay bumibiyahe papuntang hilaga samantalang ang Euro 125 ay papunta naman ng timog.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, nasakop ng Honda Click ang kabilang lane na nagresulta sa banggaan ng dalawang sasakyan.
Ang driver ng Honda Click ay isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa Narvacan, Ilocos Sur samantalang ang driver ng Euro 125 ay isinugod sa Ilocos Sur Provincial Hospital sa Vigan City, Ilocos Sur.
Gayunman, ang dalawa ay parehong idineklarang dead-on-arrival ng mga umantending doktor. Rolando S. Gamoso