Home NATIONWIDE 2 gobernador sa Calabarzon inimbitahan sa House illegal gambling probe

2 gobernador sa Calabarzon inimbitahan sa House illegal gambling probe

MANILA, Philippines – Pinadadalo ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang mga matataas na lokal na lider sa Region 4-A (Calabarzon) sa isinasagawang congressional inquiry sa talamak na iligal na sugal sa rehiyon na binubuo ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

Hiniling ni Tulfo sa House Committee on Public Order and Safety na imbitahan sina Gobernador Ramil Hernandez ng Laguna at Hermilando Mandanas ng Batangas dahil nakalista ang dalawang probinsya na may pinakamaraming bilang ng operasyon ng ilegal na sugal.

“I would like to file a motion to invite the governor of Laguna here and probably the governor of Batangas, yung mga gobernador po ng Region 4, kung bakit hindi po masawata ang pasugalan kasi yung kanilang pong salita ay batas,” sabi ni Tulfo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety sa paglaganap ng ilegal na sugal sa Calabarzon.

Ginawa ni Tulfo ang manipestasyon matapos sabihin ni Philippine National Police Regional Director Brig. Gen. Paul Kennet Lucas sa panel na ang political will ng mga lokal na lider ay may mahalagang papel sa paglutas ng ilegal na pagsusugal.

“Pag ginusto po ng governor na wala pong sugal sa kanyang probinsya, pwede po, di ba? O ng mayor, pag sinabi niyang, Colonel, ayoko ng sugal dito. O hepe ng pulisya, kapitan. Ayoko ng sugal dito sa teritoryo ko. Nangyayari naman po, based on your experience. Heneral ka na ngayon. Tama po ba?,” tanong ni Tulfo.

“Definitely, your honor,” sagot ni Lucas.

Inaprubahan ni Sta. Rosa Laguna Rep Daniel Fernandez, panel chair, ang mosyon at iniutos sa secretariat na mag-isyu ng imbitasyon sa nasabing mga lokal na opisyal. RNT

Previous articleTanim-bala sa NAIA nagbabalik nga ba?
Next articleEconomic Cha-cha hahamunin sa Korte Suprema