Home METRO 2 CAFGU members, sundalo patay sa sinakyang pick-up truck

2 CAFGU members, sundalo patay sa sinakyang pick-up truck

DAVAO DE ORO- Patay ang dalawang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at isang sundalo matapos mahulog sa ilog ang sinasakyan nilang military pick-up truck noong Sabado sa New Bataan.

Kinilala ang mga nasawi na si Private 1st Class Jaynor Makakua, driver ng KM450, at dalawang miyembro ng CAFGU na sina Reynald Balaga at Ferlan Concepcion.

Sugatan naman ang anim na kinilalang sina 1Lt. Fidel Castro Jr., Sgt. Michael Arzaga, Cpl. Emil Joy Mission, Pvt. Junel Alvarado at ang miyembro ng CAFGU na sina Jay-Ar Bale at Ardel Castro.

Batay sa report ng New Bataan Municipal Police Station, bandang aals-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa Purok 12, Sitio Langag, Barangay Andap, New Bataan, Davao De Oro.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng military pick-up truck na may plakang SAB-7366 ng 25th-IB-10th Infantry Division at binabaybay ang paakyat na bahagi ng naturang lugar.

Bigla na lamang umanong namatay ang makina ng truck dahilan para umatras at gumulong hanggang sa mahulog sa tabing-ilog.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang tatlong biktima na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Dinala naman sa ospital ang anim na biktima para lapatan ng lunas ang mga tinamo nilang galos at sugatan sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nagpaabot naman pakikiramay ang pamunuan ng 25th IB at 10th IB sa pamilya ng mga nasawi at nangakong magbibigay ng tulong-pinansyal. Mary Anne Sapico