Home METRO Sulu gov Sakur Tan suportado ng BARMM Grand Coalition bilang chief minister

Sulu gov Sakur Tan suportado ng BARMM Grand Coalition bilang chief minister

MANILA, Philippines- Inendorso ng koalisyon ng major political parties sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) si Sulu governor Sakur Tan para sa kanyang pagkandidato bilang chief minister sa kauna-unahang Bangsamoro Parliament elections sa susunod na taon.

Inihayag nitong Sabado ng grupong BARMM Grand Coalition (BGC), binubuo ng Salaam Party ni Gov. Tan mismo, Bangsamoro People Party (BPP), Al Ittihad-UKB Party, at ng Serbisyong Inklusibo Alyansang Progresibo Party, na nagkasundo silang suportahan si Tan sa kanyang pagtakbo bilang pinakamataas na posisyon sa BARMM.

“The coalition has come to a consensus that it will be backing Gov. Sakur Tan for the position of Chief Minister in the Bangsamoro Parliament because the BGC believes he is more than qualified to hold the post,” pahayag ni Basilan Cong. Mujiv Hataman sa pag-anunsyo ng kanilang suporta para kay Tan sa General Assembly of Salaam Party-BGC sa Maimbung, Sulu.

Sinabi ni Hataman, isa rin sa founders ng BPP, na nabuo ang kanilang desisyon ng serye ng mga pulong at konsultasyon sa mga opisyal at mga miyembro ng political parties, maging non-government organizations at civil society groups na kinabibilangan ng buong BGC.

Pinasalamatan naman ni Tan ang BGC para sa suporta nito.

“Iisa ang ating adhikain: ang isang mapayapa, maunlad at masaganang Bangsamoro region na may paggalang sa karapatan ng lahat ng sektor na bibigyan ng boses sa pamahalaan,” pahayag ni Tan.

Nasa ikalawang termino na si Tan bilang gobernador ng Sulu. Pumasok siya sa politika bilang municipal councilor ng Jolo noong 1981, at nagsilbing unang district representative ng Sulu mula 1987 hanggang 1992.

Nagsilbi rin siyang gobernador ng Sulu mula 1996 hanggang 2001 at mula 2007 hanggang 2013. RNT/SA