MANILA, Philippines – Patay ang dalawang guro at isang estudyante sa nangyaring banggaan ng motorsiklo at van sa Tupi, South Cotabato.
Kinilala ni Emil Sumagaysay, pinuno ng Tupi Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang mga nasawi na sina Rezile Joy Pareñas, 28, ng Surallah, South Cotabato, Glykiel Jade Bico ng Koronadal City, at Jonaira Ambaco, 24, ng Tboli, South Cotabato.
Sina Pareñas at Bico ay mga guro ng South East Asian Institute of Technology (SEAIT) sa Tupi habang si Ambaco ay criminology student ng kaparehong paaralan.
Ani Sumagaysay, ang mga biktima ay sakay ng motorbike na minamaneho ni Pareñas sakay sina Bico at Ambaco sa pilyon, nang makabanggan ang van na minamaneho ni Anthony Teloren sa national highway sa Barangay Crossing Rubber sa Tupi.
Mabilis umano ang takbo ng motorbike at van, kung kaya’t tumilapon pa ang tatlong biktima.
Naabutan ng mga rescuer ang dalawang kritikal na biktima na agad dinala sa ospital. Ang ikatlong biktima ay natagpuan 20 metro mula sa point of impact na wala nang malay.
“All the victims sustained head injuries and were pronounced dead on arrival in the hospital,” ani Sumagaysay.
Sumuko sa mga awtoridad si Teloren, drayber ng van na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide. RNT/JGC