MANILA, Philippines – Arestado ng Tourism Police ang dalawang security guard ng Intramuros na nagbabantay sa Riverside Esplanade matapos pagtulungang bugbugin ang isang menor de edad na biker nitong Linggo ng gabi, Pebrero 8.
Kinilala ang mga suspek na sina Gilbert Mendez, 38 anyos at Amba Anub, 28 anyos at kapwa security guard ng JSL Security Agency.
Kasalukuyang namang ginagamot sa Metropolitan Hospital ang biktima na isang 17 anyos na binata na residente ng Sta. Cruz, Maynila.
Ang insidente ay nakarating na rin sa kaalaman ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso at ipinag-utos na sa Manila Police District (MPD) ang buong pagsisiyasat sa ginawang pang-aabuso ng nabanggit na mga guwardiya.
“Full scale investigation to the abuse of those guards,” giit ni Mayor Domagoso.
Binigyang-diin ng alkalde na ang mga guwardiya ay dapat na binabantayan ang mga property at hindi sila pulis sa kalsada.
Video courtesy of MPIO
“Guards should be guarding property. They are not policing the streets, they’re not allowed– even you go to PNP , when they get their license, they are not allowed to police the streets, alleys, boulevards or any public place,” galit na pahayag ng alkalde sa insidenteng ginawa ng mga suspek.
Ito aniya ay sa ilalim ng PNP para sa peace and order situation.
Sa ulat ng MPD, namamasyal ang biktima sa Riverside Plaza Mexico Esplanade sa Intramuros alas-9:05 ng gabi nang mapansin at sitahin ng dalawang guwardiya ang biktima na sakay ng kanyang bisikleta kung saan pinagsabihan ang biktima na kanya namang binalewala at nagpatuloy sa pagbibisikleta sa lugar.
Doon na muling nagkaroon ng komprontasyon na nauwi sa pambubugbog ng mga guwardiya sa biktima.
Nagsasagawa naman ng pagpaptrolya ang mga Tourist Police nang makita ang komosyon kaya agad silang namagitan at agad na inaresto ang mga suspek.
Habang ang biktima ay dinala sa Metropolitan Medical Center Hospital dahil sa tinamong bugbog at pasa sa kanyang katawan. Jocelyn Tabangcura-Domenden