MANILA, Philippines – KULONG ang naging bunga Ng pagsusugal ng dalawang lalaki makaraang maaktuhan ang mga ito at mahulihan pa ng boga ang isa sa mga ito sa Caloocan City.
Ayon sa report, kasalukuyang nagpapatrulya ang mga tauhan ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na naglalaro ng cara y cruz sa Macabalo St., Brgy. 36.
Hindi na nakapalag ang mga suspek na sina alyas “Arman”, 38, mekaniko, ng Dinalupihan, Bataan at alyas “Tunying”, 48, nang arestuhin sila ng mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-Station (SS2).
Nasamsam sa kanila ang tatlong one-peso coins na gamit bilang ‘pangara’ at P500 bet money, habang nakuha naman ang isang improvised firearm ‘pen gun’ na kargado ng isang bala ng kalibre .38 kay alyas Arman.
Mga kasong paglabag sa PD 1602 Ang kakaharapin ng dalawa at karagdagang kaso naman ng paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharapin pa ni ‘Arman’. Merly Duero