MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang isang lalaki makaraang matiklo ng pulis na nagpanggap na buyer sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas Police OIC chief P/Col. Renante Pinuela ang suspek na si alyas “Miyong”, 46, ng Brgy. Longos, Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, sinabi ni Col. Pinuela na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspek na nakilalang si alyas Miyong makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SDEU hinggil sa umano’y ilegal na aktibidades nito.
Dahil dito, isinagawa ang buy bust operation ng dakong alas-11:05 ng gabi sa Brgy. NBBS Dagat-dagatan kung saan isang pulis ang nagpanggap na buyer.
Nasa 9.95 grams ng suspected shabu na may standard drug price value na P67,660.00 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at limang P1,000 boodle money ang nakumpiska sa suspek.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa laban sa suspek suspek sa City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings. Merly Duero