MANILA, Philippines – Dalawang high value individuals (HVI) ang naaresto ng Station Drug Enforcement Team ng Cainta Municipal Police Station sa isinagawang buy-bust operation gabi ng Disyembre 21, 2025 sa Brgy. Sto. Domingo, Cainta, Rizal.
Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 200 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na ₱1,360,000.00, gayundin ang isang baril at mga bala.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Alyas Tres, 22 taong gulang, at Alyas Burnok, 32 taong gulang, kapwa itinuturing na HVI at umano’y sangkot sa iligal na bentahan ng droga sa lugar.
Ayon sa ulat, isinagawa ang buy-bust operation na may koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakakumpiska ng siyam (9) na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang caliber .22 revolver, apat na bala, isang sling bag, buy-bust money na ₱500.00, at ₱1,500.00 na drug money.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal at dinala sa Cainta Municipal Hospital para sa physical at medical examination bago sila itinurn-over sa Cainta Custodial Facility kasama ang mga nakumpiskang ebidensya.
Ang mga suspek ay isasailalim din sa drug test examination sa Rizal Provincial Forensic Unit.
Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang si Alyas Burnok ay nahaharap din sa kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition). Maritess Pumaras