MANILA, Philippines – Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang dalawang ash emission sa bunganga ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island Region nitong Lunes ng umaga, Disyembre 22, 2025.
Ayon sa Phivolcs, naganap ang ash emission mula alas-9:01 hanggang alas-9:29 ng umaga at muling naitala mula alas-10:29 hanggang alas-11:07 ng umaga.
Sinabi ng ahensya na ang mga nasabing pangyayari ay lumikha ng kulay abong usok na umabot sa humigit-kumulang 300 metro sa itaas ng bunganga bago ito tinangay pahilagang-kanluran.
Batay sa 24-hour monitoring, nakapagtala rin ang bulkan ng isang volcanic earthquake nitong Linggo. Naitala rin ang pagbuga ng 2,578 tonelada ng sulfur dioxide, na mas mababa kumpara sa 3,045 tonelada noong Sabado.
Nananatili ang Alert Level 2 sa Bulkang Kanlaon na nangangahulugang may pagtaas ng aktibidad. Mahigpit pa ring ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone at ang paglipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Nagpaalala rin ang Phivolcs sa mga residente sa paligid ng bulkan hinggil sa posibleng panganib ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions at iba pang senyales ng magmatic activity. RNT/JGC