MANILA, Philippines – Naitala ng mga siyentipiko ang ilang bagong species ng box jellyfish sa Pilipinas, na itinuturing na mahalagang ambag sa patuloy na lumalawak na talaan ng marine biodiversity ng bansa.
Sa pamamagitan ng on-site observation, unang naitala sa Pilipinas ang mga species na Alatina alata, Carybdea cuboides, Malo sp., at Morbakka virulenta.
Kinumpirma rin ng mga mananaliksik ang mga bagong rekord ng Copula sivickisi at Malo filipina, na kabilang sa Irukandji jellyfish, isang maliit ngunit lubhang makamandag na uri ng box jellyfish.
Ayon sa University of the Philippines Diliman College of Science, pinapalawak ng mga natuklasan ang kaalaman tungkol sa distribusyon ng carybdeid box jellyfish, na ang ilan ay maaaring magdulot ng Irukandji syndrome.
Sinabi ni Dr. Sheldon Rey Boco ng Philippine Jellyfish Stings Project na mahalagang pag-aralan ang mga box jellyfish dahil bahagi sila ng marine food chain at ang kanilang presensya o pagkawala ay indikasyon ng kalagayan ng marine ecosystems.
Dagdag pa ni Boco, maraming carybdeids ang may lasong sapat upang maospital ang mga tao, at ang pag-unawa kung paano gumagana ang kanilang venom ay maaaring humantong sa mas epektibong lunas at makapagliligtas ng buhay.
Isinagawa ang mga obserbasyon gamit ang high-resolution underwater photography at videography, katuwang ang citizen science initiatives na dumaan sa digital authentication.
Nagsagawa rin ang mga marine researcher ng ilang blackwater dives sa bukas na karagatan mula 2017 hanggang 2021 at muli noong 2024 bilang bahagi ng dokumentasyon.
Isa sa mga hamon ng pag-aaral ay ang pagberipika sa pagiging tunay ng mga larawan, lalo na sa panahon ngayon na kayang lumikha ng pekeng imahe ang artificial intelligence.
Ayon kay Boco, sinuri ng kanilang team ang metadata, liwanag, kondisyon ng tubig, at mga detalye sa anyo ng jellyfish upang matiyak ang pagiging authentic ng mga larawan at video.
Layunin din umano ng grupo na gawing mas madali ang partisipasyon ng citizen scientists upang mas marami ang makapag-ambag ng datos para sa pananaliksik. Plano rin nilang pahusayin ang kanilang nighttime blackwater dives at magsagawa ng karagdagang on-site experiments upang mas maunawaan ang galaw, asal, at kapaligiran ng mga jellyfish.
Umaasa ang mga mananaliksik na sa hinaharap ay matutukoy at mahuhulaan kung saan muling lilitaw ang mga naturang species. RNT/JGC