MANILA, Philippines – Dalawang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin sa magkahiwalay na insidente sa Dasmarinas City at General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigan ng Cavite.
Ayon sa report, isinugod sa Pagamutang Bayan sa lungsod ng Dasmarinas ang biktima na nasa edad 30-40 anyos, nakasuot ng pulang short at gray na t-shirt habang sa CARSIGMA Hospital dinala ang biktimang si alyas Jay subalit kapwa idineklarang patay dahil sa tinamong tama ng bala sa kanilang katawan.
Base sa ulat, bandang alas-2:00 ng madaling araw ay naglalakad ang hindi nakilalang biktima sa Brgy Sta Lucia, nang pagbabarilin ito ng hindi nakilalang suspek.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na krimen para sa pagkakakilanlan sa suspek na tumakas matapos ang ginawang pamamaril.
Kasunod nito, nagsasara naman ng kanilang sari-sari store na matatagpuan sa Brgy F. De Castro, GMA, Cavite ang biktimang si alyas Jay bandang alas-7:15 kamakalawa ng gabi nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo na walang plaka at walang sabi-sabing pinagbabaril ng backride ang biktima.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang mga suspek sa Sunshine Village Area, GMA, Cavite habang ang biktima ay isinugod sa ospital subalit hindi na ito umabot nang buhay.
Nagsasagawa naman ng backtracking ang pulisya sa CCTV footage para sa agarang ikadarakip ng mga suspek na riding in tandem. MARGIE BAUTISTA