Home METRO 2 kelot timbog sa baril, shabu sa Pasay

2 kelot timbog sa baril, shabu sa Pasay

MANILA, Philippines- Sa implementasyon ng inisyung search warrants ng korte ay inaresto sa magkahiwalay na operasyon ng Pasay City police sa kani-kanilang mga bahay ang dalawang suspek na sangkot sa mga kasong illegal possession of firearms at sa posesyon ng ilegal na droga nitong Biyernes, Abril 26.

Ang mga inarestong suspek na kinilala sa mga alyas na Don-Don, 18, at alyas Paduda, 26, ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police.

Ayon kay Pasay City police chief Col. Mario Mayames Jr., inaresto ng mga tauhan ng Station Intelligence Section (SIS) si alyas Don-Don sa kasong illegal possession of firearms dakong alas-3 ng hapon sa panulukan ng Balikatan at Pitimini Streets, Barangay 181, Zone 18, Pasay City.

Ang pag-aresto kay alyas Don-Don ay naisakatuparan dahil sa pagsisilbi ng search warrant na inisyu ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Edilwasif Baddiri ng Branch 115 kung saan nakumpiska sa suspect sa naturang operasyon ang .38-caliber Armscor 202 revolver.

Sinabi ni Mayames na si alyas Paduda naman ay nadakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) bandang alas-10:30 ng gabi sa kanilang bahay sa Barangay 171, Zone 17, Pasay City.

Bitbit ng mga tauhan ng SDEU nang kanilang isilbi ang search warrant laban kay Paduda na inisyu rin ni Judge Baddiri makaraang makatanggap ng maraming reklamo ang pulisya tungkol sa ilegal na aktibidad sa pagbebenta ng droga ng suspect.

Dagdag pa ni Mayames na sa naturang operasyon ay nakarekober din ang SDEU sa posesyon ni alyas Paduda ng tatlong transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 15.1 gramo at nagkakahalaga ng P102,680. James I. Catapusan