MANILA, Philippines – Muling nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga magbabalak na gumawa ng krimen sa Maynila na titiyakin nilang hindi ito makakatulog nang mahimbing hangga’t hindi napapanagot sa batas.
Ipinahayag ni Domagoso ang naturang babala nang iprisinta niya, kasama si Manila Police District Station 5 Commander Lt. Col. Alfonso Saligumba, ang magkapatid na suspek na sina Abel at Albert Manabat, kaugnay sa pagpatay sa dalawang turistang Hapon.
“Nalulungkot kami na mayroon pa ring sumusubok sa Maynila, but we guarantee you that no matter what happens, we will never rest until justice is served,” ani Domagoso, kung saan nasambit pa niya na “tatalupan” niya ang buong Pilipinas para mahanap at mapanagot ang mga gagawa ng krimen sa lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na hindi pagnanakaw ang pangunahing motibo sa pagpatay sa dalawang Japanese national na binaril kamakailan sa Maynila. Ito ang sinabi ni Saligumba matapos madakip ang ikalawang suspek na nagsilbing “tour guide” ng mga biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na nagsilbi umanong tour guide si Abel sa mga biktima, habang itinuro ng ilang nakasaksi na si Albert ang bumaril sa dalawang dayuhan matapos palabasin mula sa taxi sa tapat ng isang hotel sa Malate, Maynila, noong Biyernes ng gabi.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang isa pa nilang kasabwat na tumangay sa mga kagamitan ng mga biktima, kaya’t kasama sa ikinunsiderang anggulo noong una ang motibong pagnanakaw.
Sa pahayag ni Saligumba, kinontrata umano ang mga suspek sa halagang P9 milyon ng isa ring Hapon para itumba ang mga biktima.
Nabatid pa na madalas bumisita sa Pilipinas ang mga biktima upang maglaro sa casino, kaya’t hindi na ito ang kanilang unang pagpunta sa bansa. Dagdag pa rito, napagplanuhan na ang pagpatay bago pa man sila dumating sa Pilipinas.
Nang tanungin ng mga mamamahayag hinggil sa iba pang detalye, tumanggi nang sumagot si Saligumba dahil patuloy pa ang pagbuo sa kaso upang mahuli ang iba pang sangkot sa krimen.
Ibinahagi pa niya na sa kabuuang P9 milyon na kontrata, P10,000 pa lamang umano ang natanggap ng mga suspek bilang paunang bayad.
Nabatid din na nasa Japan ang kausap ng isa sa mga suspek na dati na nitong kakilala at ipinagmamaneho kapag nasa Pilipinas. Inutusan umano ng suspek na Hapon ang isa sa mga Pilipinong suspek na sunduin ang mga biktima pagdating nila sa bansa at planuhin ang pagpatay.
Pinasalamatan naman at pinuri ni Domagoso ang mga pulis sa mabilis na paglutas at pag-aresto sa mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Domagoso, malaki ang posibilidad na mas malalim pa ang motibo sa pamamaslang sa mga dayuhan, at nais niyang mahuli at mapanagot ang mga nasa likod nito.