Home NATIONWIDE 2 Korean national na wanted sa gambling, illegal drugs arestado ng BI

2 Korean national na wanted sa gambling, illegal drugs arestado ng BI

141
0

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang dalawang South Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagiging “gambling lord” ng isa at nasangkot naman sa iligal na droga ang kababayan nito.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, naaresto si Choi Jonguk, 42, noong Oktubre 12 sa isang sikat na entertainment area sa Brgy. Tambo, Parañaque.

Si Choi ay nasa wanted list ng BI mula noong 2019 nang kasuhan siya sa pagpapatakbo ng isang website ng ilegal na pagsusugal na tumutugon sa mga Koreanong customer na tumataya sa mga resulta ng sports competitions.

Kumikita umano ang nasabing dayuhan sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga tiket sa pagtaya sa sports online bilang paglabag sa national sports promotion act ng kanyang bansa.

Samantala, iniulat din ng BI ang pagkakaaresto sa isa pang South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa illegal drugs trading.

Kinilala ni Viado ang pugante na si Seo Jungchul, 37, na naaresto noong Oktubre 7 sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga ng BI FSU.

Inakusahan ng mga awtoridad ng South Korea si Seo na nakikibahagi sa pagbili, pagkonsumo at pangangalakal ng Philopon, isang anyo ng methamphetamine, na isang karaniwang inaabusong droga sa Korea.

Parehong itinuturing na undocumented alien sina Choi at Seo dahil ang kanilang mga pasaporte ay binawi na ng kanilang gobyerno.

Nabatid sa BI na ang dalawang dayuhang naaresto ay ikukulong sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig kung saan mananatili sila hanggang sa kanilang deportasyon. JR Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here