MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang kelot nang makuhanan ng droga at maaktuhan na sumisinghot ng droga sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon mula sa concerned citizen ang mga Tanod ng Brgy., Ugong hinggil sa nangyaring pagsusunog ng solid waste sa isang bakanteng lote sa No. 1011 C. De Leon Street, Barangay Ugong.
Kaagad rumesponde ang mga tanod sa lugar kung saan naabutan nila alas-7:00 ng gabi si alyas “Richard”, 35, helper, na nagsusunog ng mga wire na malinaw na paglabag sa Sanitation Code ng Valenzuela City Ordinance No. 557 series of 2019.
Nang sitahin, pumalag ang suspek at tinadyakan ang isa mga rumespondeng tanod na naging dahilan upang arestuhin siya at nakuha sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Samantala, huli sa akto nina PCpl Jerome Siquig at Pat Balisi, kapwa ng Police Sub-Station 9 ang 24-anyos na construction worker na si alyas “Dan” na bumabatak umano ng shabu sa loob ng Karuhatan Public Cemetery, Brgy. Karuhatan dakong alas-12:40 ng madaling araw.
Nasamsam sa kanya ang isang plastic sachet na may laman ng bahid ng hinihinalang shabu at drug paraphernalias.
Ayon kay SDEU investigator PSSg Alfredo Mendoza III, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong Direct Assault ang kakaharapin ni alyas Richard. (Merly Duero)