MANILA, Philippines – Nanawagan sina Senate President Win Gatchalian at Sen. JV Ejercito na ipagpatuloy ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines at tiyakin na nagagamit nang tama ang pondo para dito, kasabay ng lumalalang tensyon sa mundo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance Subcommittee A nitong Lunes, Oktubre 19, 2026 para sa budget ng Department of National Defense, iginiit ni Gatchalian na dapat manatiling handa ang bansa sa harap ng mabilis na pagbabago ng geopolitical situation, kabilang ang mga kaguluhan sa Middle East at Eastern Europe.
Anya, hindi lang dapat tradisyunal na kagamitan ang binibili ng militar kundi pati kagamitan para sa cyberwarfare na ngayon ay nagiging realidad na sa digmaan.
Binigyang-diin din niya ang dual role ng AFP na hindi lang tagapagtanggol ng soberanya kundi katuwang din sa pagresponde tuwing may malalakas na bagyo at kalamidad, kaya kailangan ng mas malakas na multi-role capability.
Siniguro ni Gatchalian na susuportahan niya ang tuloy-tuloy at sustainable na pamumuhunan sa modernisasyon hanggang makamit ang sapat na kahandaan ng sandatahang lakas.
Samantala, hiniling naman ni Ejercito sa pamunuan ng DND ang detalyadong accounting sa P90 bilyong inilaan para sa Revised AFP Modernization Program sa 2026 budget — na binubuo ng P40 bilyon na programmed appropriations at P50 bilyon na unprogrammed appropriations.
Tinanong niya kung magkano na ang aktwal na na-release, na-obliga, at nagastos, anong mga kagamitan na ang na-deliver at nagagamit na ng mga sundalo, ano ang mga balakid sa implementasyon, at anong capability gaps ang dapat unahin sa 2027 budget.
Ibinahagi ni Ejercito ang kanyang pagbisita kamakailan sa AFP Southern Luzon Command sa Lucena City at sinabing dapat isaalang-alang sa budget deliberations ang aktwal na kalagayan ng mga tropa sa ground.
Ayon kay Ejercito, bahagi ng kanyang tungkulin bilang senador na tiyakin ang patuloy na suporta ng Senado sa DND at AFP upang maipagtanggol ang soberanya at teritoryo ng bansa, sa kabila ng limitasyon sa pondo. Ernie Reyes