MANILA, Philippines – Nanawagan si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa mga pamilyang Malabueño at mga bisita na makipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Malabon at sumunod sa mga alituntunin sa kaligtasan para matiyak ang mapayapa, ligtas, at maayos na paggunita ng Undas 2026, habang sinisimulan na ng lungsod ang maagang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa mga sementeryo.
“Habang inaalala natin ang ating mga mahal sa buhay, mahalaga ring maging responsable tayo at makiisa sa mga alituntunin para sa kaligtasan at kaayusan ng lahat. Hinihiling ko po sa ating mga kapwa Malabueño at sa lahat ng bibisita sa ating mga sementeryo at kolumbaryo na makiisa at sumunod sa mga alituntunin. Magtulungan po tayo upang maging mapayapa at maayos ang paggunita natin sa ating mga mahal sa buhay ngayong Undas,” ani Mayor Sandoval.
Paalala ng alkalde ang publiko, sundin ang mga patakaran sa sementeryo, panatilihing malinis ang kanilang paligid, maayos na itapon ang basura, at manatiling mapagmatyag sa kanilang mga personal na gamit. Hinihikayat din niya ang mga bisita na planuhin ang kanilang mga biyahe nang maaga, sundin ang mga babala sa trapiko, manatiling hydrated, makipagtulungan sa mga awtoridad at itinalagang tauhan, agad na iulat ang mga emergency o kahina-hinalang aktibidad, at tiyaking may kasama ang mga bata at matatandang miyembro ng pamilya sa kanilang pagbisita.
Sa isang pagpupulong-koordinasyon ng pamahalaang lungsod, inilatag ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang plano ng lungsod para sa paghahanda at pagtugon sa mga emergency, abilang ang lahat ng departamento ng lungsod, Malabon-PNP, Bureau of Fire Protection (BFP) Malabon, at iba pang mga katuwang na ahensya, upang matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita sa pitong sementeryo at columbaria sa lungsod.
Magtatatag ang MDRRMO ng mga incident command post malapit sa mga libingan, kabilang ang Everlasting Peace Cemetery, Our Lady of Lourdes Eternal Park, San Bartolome Cemetery, Immaculate Concepcion, La Purisima Concepcion, Immaculate Heart of Mary, Sto. Rosario Parish, at Tugatog Cemetery kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mahigit 90k bisita mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, 2026.
Paalala ng pamahalaang lungsod, bawal sa loob ng sementeryo ang baril at lahat ng uri ng matutulis o may talim na bagay, mga inuming nakalalasing, mga nasusunog na materyales, labis na dami ng kandila, paputok, malalakas na sound system, stereo, gitara, videoke o karaoke machine, pagsusugal, paninigarilyo, at vaping, pananatili sa loob ng sementeryo, pagtitinda at ang mga alagang hayop.
“Sa pamamagitan ng pakikiisa, pagsunod sa mga alituntunin, at pagiging mapagmatyag, makatutulong tayo upang matiyak ang kaligtasan ng lahat at mabigyan ang bawat pamilya ng pagkakataong alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay nang mapayapa at maayos,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Merly Duero)