Home METRO 2 lola patay sa tandem; trike driver na target nakailag, tumakas

2 lola patay sa tandem; trike driver na target nakailag, tumakas

COTABATO- Patay ang dalawang lola matapos saluhin ang mga bala ng baril na para sana sa tricycle driver ng kanilang sinakyan galing sa pamamalengke, iniulat kahapon sa bayan ng Carmen.

Kinilala ang mga nasawi na sina Hanipa Latip Ambolodto, 62, at Acong Guimalon Latip, 60, kapwa residente ng Sitio Butuan, Barangay Kibenes, Carmen, habang inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng tricycle na mabilis sumibat kasabay ng pagtakas ng mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Batay sa report ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), bandang alas-9:30 ng umaga noong Abril 1, 2025 naganap ang krimen sa Sitio Galay, Kibayao Kapalawan, North Cotabato, bahagi ng Special Geographic Area-BARMM.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, namamalengke ang mga biktima sa Poblacion Carmen at sumakay ang mga ito ng tricycle pauwi na sana sa kanilang tahanan.

Pagsapit sa nabanggit na lugar ay bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng baril kung saan target ang driver subalit mabilis itong nakailag dahilan para masalo ng dalawa nitong pasaherong matatanda ang mga bala.

Tumilapon ang mga biktima sa kalsada na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan habang mabilis naman tumakas ang tricycle driver sa halip na dalhin sa ospital ang mga biktima.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ay nakapulot sila ng pitong basyo mula sa sa kalibre .9mm na baril.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing krimen at inaalam na rin ang tunay na motibo at pagkakakilanlan ng driver ng tricycle na siya umanong target ng mga suspek na mabilis tumakas. Mary Anne Sapico