BULACAN, Philippines – Arestado ang dalawang indibiduwal nang salakayin ng mga awtoridad ang iligal na pagawaan ng paputok sa bayan ng Norzagaray nitong Nobyembre 19.
Sa ulat ni PLTCOL Ismael Gauna, Acting chief of police ng Norzagaray, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ken”, 21 at alyas “Nancy,” 52, kapwa residente ng Brgy. Pulong Yantok, Angat.
Ayon sa ulat, ikinasa ang anti-illegal firecracker operation ng mga tauhan ng Norzagaray police station bandang 3:30 ng hapon sa Brgy. Partida.
Nabatid na nahuli ang mga suspek sa kasagsagan ng paggawa ng ilegal na firecrackers sa nasabing lugar.
Narekober mula sa operasyon ang limang bundle ng kwitis na tig-100 piraso, 66 piraso ng kwitis na may stick, 253 piraso ng kwitis na walang kwitis, 14 bundles ng stick para sa kwitis, dalawang tape dispenser, 19 bundles ng unfinished firecracker fuse (mitsa) at 1/4 sako ng thread para sa paggawa ng mitsa.
Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensiya sa Norzagaray para sa tamang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang kaukulang kaso. (Dick Mirasol III)