SAN ESTEBAN, Ilocos Sur- Nasagip ang dalawang mangingisda na naanod sa West Philippine Sea nitong Linggo ng umaga.
Kinilala sila ni Councilor Marvin Ong na sina Armando Mostoles, 66, at kanyang apo na si Melvin Allagao, 16, residente ng Barangay Apatot, sa bayang ito.
Nangisda ang dalawa sa West Philippine Sea nitong Huwebes, subalit hindi nakauwi sa nasabing araw matapos magkaroon ng aberya ang kanilang fishing boat.
Sinabi ni Mostoles na nanatili sila sa lumulutang na fish cages habang naghihintay ng saklolo.
Tatlong gabi at apat na araw silang nasa dagat bago sila nasagip ng mga mangingisda mula sa Barangay Apatot sa pangunguna ni Celso Quarte.
Para mabuhay, ibinahagi ni Mostoles na kumain sila ng isda at uminom ng tubig-dagat.
Dinala sila sa rural health unit upang suriin at para sa dokumentasyon. RNT/SA