MANILA, Philippines – Inaresto ang dalawang tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) na nagdulot umano ng kaguluhan sa publiko at nanira ng ari-arian sa isang KTV bar sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Barangay Holy Spirit, Quezon City noong Miyerkules.
Nabatid sa ulat ng QCPD na nangyari ang insidente dakong ala-una ng madaling-araw, nang pumasok sa bar ang mga suspek—isang corporal at isang patrolman—na parehong nakatalaga sa Warrant Section ng QC Police Station 14.
Ayon sa ulat, nasa impluwensya na ng alak ang dalawang pulis bago pa man pumasok sa naturang KTV bar.
Sinabi ng NCRPO na bandang 2:30 a.m., iniulat ng mga saksi na umorder ang dalawa ng maraming bote ng beer at hindi nagtagal ay nagsimulang kumilos nang agresibo.
Nabatid pa na ayon sa mga nakasaksi, nagsimulang maghagis ng mga ice cubes ang dalawang pulis sa waiter at iba pang parokyano, na siyang nagpasimula ng tensyon sa loob ng bar.
Sinabi rin na ang agresibong pag-uugali ng dalawa ay humantong sa pagkasira ng isang glass painting frame, dahilan upang magtakbuhan palabas ang maraming customer.
Dahil sa insidente, agad na humingi ng tulong sa pulisya ang manager ng bar.
Ang mga rumespondeng opisyal mula sa parehong istasyon ay mabilis na dumating sa lugar at inaresto ang kanilang kapwa pulis. Ang dalawa ay dinisarmahan at inilagay sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ayon sa NCRPO.
Ang dalawa ay nahaharap sa mga kasong alarm and scandal at malicious mischief.
“Mahigpit na kinokondena ng Quezon City Police District ang anumang maling pag-uugali, lalo na kapag ginawa ng sarili nitong mga tauhan,” ayon sa isang pahayag ng QCPD.
“Kung ang mga paratang ay mapatunayang totoo, ang parehong kriminal at administratibong parusa ay agad naming ipatutupad,” dagdag pa nito.
Kaugnay nito, sinabi ni NCRPO chief PMGen Anthony Aberin na ang mga pulis ay pinanghahawakan sa pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at pagiging angkop.
“Walang pangalawang pagkakataon para sa mga pulis na lumalabag sa batas,” ani Aberin sa isang pahayag.
Ayon sa ulat, matagal nang ipinagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na pumasok sa mga bar, nightclub, gambling den, at iba pang katulad na establisyimento—lalo na habang nasa aktibong serbisyo o naka-uniporme. (Santi Celario)