MANILA, Philippines- Nadakip ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawang puganteng natukoy na most wanted individuals sa Metro Manila sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan City at Manila.
Sinabi ni NCRPO chief, Maj. Gen. Anthony A. Aberin na ang dalawang naarestong suspek ay kasalukuyang nasa ilalim ng kanilang kustodiya at ihaharap sa korte na nag-isyu ng arrest warrants laban sa kanila.
Unang nahuli nitong Miyerkules ang isang 36-anyos na lalaking natukoy na 7th most wanted ng Metro Manila para sa kasong statutory rape na walang inirekomendang piyansa. Nasakote siya sa Barangay San Marcelino sa Ermita, Manila.
Nagresulta naman ang hiwalay na operasyon sa parehong araw sa pagkakaaresto sa isang 27-anyos na call center agent na wanted sa dalawang kaso ng rape by sexual assault at tinukoy na 6th most wanted ng NCPO na may kaukulang piyansa na P200,000.
Nadakip siya sa Barangay 176, Caloocan City.
“The successful apprehension of these high-profile fugitives underscores our unwavering commitment to justice and the rule of law,” wika ni Aberin. RNT/SA