MANILA, Philippines- Arestado ng mga operatiba ng Parañaque City police sa ikinasang manhunt operations ang dalawang murder suspects na bumaril at nakapatay sa isang negosyante na nagbebenta ng mga second-hand na sasakyan online bago maghatinggabi ng Linggo, Mayo 4.
Ang pagkakadakip sa dalawang gunmen ay inabot lamang ng 24 oras bunsod ng pagkakaaresto naman ng tatlong miymebro ng sindikato na naaktuhang nagsasagawa ng pot session sa isang bahay sa lugar kung saan inabandona ang sasakyan ng biktima na tinangay ng dalawang murder suspects.
Sa report na isinumite ni Parañaque City police chief P/Col Melvin Montante ay kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/BGen Joseph Arguelles ang dalawang inarestong murder suspects na sina alyas Jovillo, 32 at alyas Ryan, 40, habang ang tatlo namang nahuling nagpa-pot session ay kinilalang sina alyas Alan, 57; alyas Gabriel, 53; at isang alyas Eli, 47.
Base sa imbestigasyon ng Parañaque City police, nagkasundo sa pamagitan ng Facebook Messenger na magkita ang biktima na si alyas Noely, 32, at ang dalawang suspek na nagkunwaring interesado sa ibinebentang second-hand na sasakyan ng una sa online.
Dakong alas-11:50 ng gabi ng Mayo 4 ay nagtungo ang biktima lulan ng kanyang minamanehong kulay gray SUV na Nissan Terra, na nagsama pa ng dalawa niyang kaibigan, sa harap ng South Super Hi-way Medical Center na matatagpuan sa Barangay Marcelo Green, Parañaque City, kung saan naghintay ang dalawang murder suspects.
Makaraan lamang ang ilang segundong pakikipag-usap ng biktima sa isa sa mga suspek ay nakarinig na ng dalawang putok ng baril ang dalawang kaibigan ng biktima na agad na tumakbo para sa kanilang mga sariling kaligtasan.
Minaneho ng isa sa mga suspek ang sasaskyan ng biktima habang sumakay naman sa motor ang isa sa kanila at sa tulong ng backtracking ng nakalap na CCTV footages ay natunton ang kinaroroonan ng tinangay na sasakyan at ng getaway na motorsiklo sa Barangay Don Bosco.
Agad na nagkasa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Parañaque City police kabilang ang Marcelo Green Police Substation (SS8) kung saan nakarekober ng ballistic evidence ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar.
Kasabay nito ang pagsasagawa ng follow-up operation sa lugar na nagresulta ng pagkakadakip kina alyas Alan, alyas Gabriel at alyas Eli na naaktuhang nagpo-pot session na nahulihan pa ng isang kalibre .45 na walang serial number ay ilegal na droga.
Sa pagsasailalim sa interogasyon sa tatlong suspek ay ibinunyag ng mga ito na sina alyas Jovillo at alyas Ryan ang bumaril at nakapatay sa biktima.
Mabilis na kumilos ang mga operatiba na nagdulot ng pagkakadakip kina alyas Jovillo at alyas Ryan sa at isinagawang follow-up operations bandang alas-11:50 ng gabi ng Mayo 5 sa Bernardo Compound, Barangay Don Bosco kung saan nakumpiskahan ang mga ito ng 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000.
Iniharap ang sina alyas Jovillo at alyas Ryan sa dalawang kaibigan ng biktima na naging saksi sa krimen kung saan positibong kinilala ang dalawa na pumatay sa kanilang kaibigan na si alyas Noely.
Kasong murder, paglabag sa RA 10883 (Anti-Carnapping Law), RA 10591 (Illegal Possession of Firearms), at Section 11 ng RA 9165 (Dangerous Drugs Act) ang kinahaharap nina alyas Jovillo at alyas Ryan habang kakasuhan naman ng paglabag sa RA 9165 ang tatlo pang suspek kung saan kasalukuyang nakapiit ang mga ito sa custodial facility ng Station Drug Enforcement Unit ng Parañaque City police.
“This is a testament to the dedication and capability of our personnel on the ground. Solving a brutal crime and bringing the perpetrators to justice in less than 24 hours is no small feat. I commend the Parañaque City Police for their swift and effective hot pursuit operation. This is the kind of policing our citizens deserve—responsive, resolute, and relentless in the pursuit of justice,” ani Arguelles. James I. Catapusan