MANILA, Philippines – Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Carmona City Police at Tanauan City Police Station kaugnay sa insidente ng umano’y pagdukot at pagkamatay ng isang Food Panda Delivery Rider at pagkakasugat ng isang Online Seller.
Ayon sa report, kinilala ang namatay na si John Mark Samonte, 24, isang Food Panda Delivery Rider at residente ng Tolentino St., Libertad, Manila habang ang sugatan ay si Marithe Ashley Tila, 21, isang Online Seller ng 719 E. Rodriguez St., Malibay, Pasay City.
Isang manhunt operation ng pulisya ang isinasagawa sa isang kulay itim na Mitsubishi Montero na may plakang NCK 5430 na gamit ng mga suspek at isang kulay itim na Toyota Wigo na may plakang ABT 2885 na pagmamay-ari ng biktima na tinangay ng mga suspek.
Base sa ulat ng Carmona CPS, dinukot umano ang mga biktima bandang alas-7:30 kamakalawa ng gabi sa harapan ng Water District sa Carmona Public Market, Brgy Maduya ng nasabing lungsod ng limang kalalakihan na nagpakilalang mga Police Officers.
Batay naman sa ulat ng Tanauan City Batangas Police Station, nakatanggap naman sila ng report ng pamamaril sa Brgy Malipa, Brgy Malaking Pulo, Tanauan City Batangas bandang alas-9:40 kamakalawa ng gabi kung saan namatay si Samonte habang sugatan si Tila.
Bunsod nito, nagtulungan ang Carmona CPS at Tanauan CPS sa pagsasagawa ng backtracking sa Closed Circuit Television (CCTV) sa mga posibleng dinaanan at pagkakakilanlan sa mga suspek.
Makikipag-ugnayan din sila sa tanggapan ng Provincial Land Transportation Office (LTO) kung sino ang nagmamay-ari ng sasakyan na Mitsubishi Montero. Margie Bautista