Home METRO 2 nilamon ng baha sa Mindanao

2 nilamon ng baha sa Mindanao

137
0

MINDANAO- Dalawang katao ang naitalang nasawi matapos tangayin ng rumaragasang tubig habang naliligo sa isang talon dala ng malakas na buhos ng ulan sa ilang bahagi ng Mindanao, kahapon.

Sa Barangay Kakub, Koronadal City, nasaksihan ng mga residente ang pag-anod ng isang babae mula sa rumaragasang agos ng tubig mula sa isang talon at kalapit na sapa. Natagpuan ang bangkay ng biktima makalipas ang ilang minuto, mga dalawang kilometro mula sa pinangyarihan.

Sunod namang natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa parehong sapa at kapwa may mga sugat sa ulo matapos bumangga sa mga bato at debris habang tinatangay ng agos.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang dalawa ay magkakilala—isa ay guro at ang isa naman ay delivery rider—na naliligo sa itaas na bahagi ng sapa nang biglang tumaas ang lebel ng tubig, dulot ng malakas na ulan.

Sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur, lumubog sa baha ang ilang kalsada matapos umapaw ang sapa.

Umabot ng higit isang oras ang pagka-stranded ng ilang motorista dahil sa lakas ng agos.

Ganun din sa Barangay Lasang, Davao City, hindi rin madaanan ang ilang bahagi ng National Highway matapos umapaw ang Licanan River, sabay ng pagtaas ng tubig-dagat. Mahigit 20 pamilya sa mga Sitio ng Licanan, Aris, Lituan, at Virgo ang apektado.

Samantala, sa Barangay Bunawan Proper, nasa 69 pamilya ang lumikas matapos bahain ang kanilang mga bahay.

Ayon sa PAGASA, ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang sanhi ng nararanasang masamang panahon sa malaking bahagi ng Mindanao. Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa mga naninirahan sa mabababang lugar na maging alerto at maghanda sa posibleng paglikas. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here