BAGUIO CITY- Natagpuang patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) kasunod ng 10-minutong engkwentro sa kabundukan ng Bugatay, Peñablanca, Cagayan, nitong Miyerkules ng umaga, base sa military report.
Kinumpirma ng 502nd Infantry Brigade ang mga nasawi, isang babae at isang lalaki, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at sa katawan.
Hindi pa natutukoy ang kanilang pagkakakilanlan, habang dinala na ang kanilang bangkay sa punerarya.
Naganap ang sagupaan nang makaengkwentro ng platoon mula sa 502nd Brigade ang 17-member group mula sa Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV), sa pamumuno ni Edgar Mancao Arbitrario, kilala rin bilang “Karl,” sa military security operations.
Matapos ang saglit na palitan ng putok, umatras ang mga rebelde, kung saan naiwan ang mga labi ng mga nasawing kasamahan ng mga ito.
Naglunsad na ng pursuit operation ang mga awtoridad. RNT/SA