Home METRO 2 obrero patay sa poste ng kuryente; 4 sugatan

2 obrero patay sa poste ng kuryente; 4 sugatan

USON, Masbate- Patay ang dalawang construction worker habang sugatan ang apat pa nilang kasama matapos masagi ang liver wire sa poste ng Masbate Electric Cooperative (MASELCO), noong Miyerkules sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mark Cortes, nasa hustong gulang, may asawa at Andre Laurio, 23, may asawa, kapwa residente ng Barangay Pawa, Masbate City.

Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na sina Bryan Bandol, 20, binata, taga-Barangay Lalaguna, Mobo; Darwin Petilia, 20, may asawa, ng Barangay BaƱadero, Mobo, Masbate; Jonel Berato, 24, may asawa, tubong Barangay Matanglad, Milagros, Masbate at Danny Gosaga, nasa hustong gulang, may asawa, ng Barangay Pawa, Masbate City, pawang mga trabahador ng Carandang Construction Company.

Ayon kay Police Executive Master Sergeant Melchor Dipad III, ng Uson Municipal Police Station, bandang alas-11:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa gilid ng kalsada ng sakop ng Barangay Dapdap, Uson, Masbate.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sa gitna ng pagtatrabaho ng mga biktima gamit ang boom truck sa paghatak ng bakal na poste ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) ay aksidenteng nasagi ng mga ito ang mga live wire sa poste ng MASELCO.

Sa lakas ng boltahe ng kuryenteng pumasok sa katawan nina Cortes at Laurio ay tumilapon ang mga ito at nagkikisay na nagresulta ng agaran nilang kamatayan habang nasugatan naman ang apat.

Nagpaabot naman ng tulong ang pamunuan ng construction company sa mga biktima habang nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico