Home NATIONWIDE Papel ng NTF-ELCAC sa kampanya vs insurhensya kinilala ng PH Army

Papel ng NTF-ELCAC sa kampanya vs insurhensya kinilala ng PH Army

MANILA, Philippines- Iginiit ng opisyal ng Philippine Army na mahalaga ang papel na ginagampanan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagsisikap ng pamahalaan na sawatahin ang insurhensya sa Pilipinas.

Sa isang panayam nitong Linggo, binanggit ni Col. Louie Dema-ala, Army Spokesperson, ang naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.  sa panawagang buwagin ang kontrobersyal na ahensya na inaakusahan ng ilang sektor at indibidwal ng red-tagging at guilt by association

“We have been successful in addressing the local communist armed conflict… Wala na silang capability to mount yung malalaking atrocities, kumbaga nasa survival mode. Kaya napaka-importante yung task ngayon ng NTF-ELCAC para tuloy tuloy na ma-sustain natin yung gains na nakamit natin sa pag address natin nung insurgency. Kaya napaka effective yung NTF-ELCAC against insurgency. Kaya napaka importante na ituloy natin ito,” giit ng Army official.

Ayon kay Dema-ala, ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ay mayroon na lamang siyam na mahinang guerilla fronts sa buong bansa. Aniya, wala na itong kapabilidad na mag-recruit at magsagawa ng malawakang karahasan.

Inihayag niya na nasa 80,000 miyembro at mass supporters ng CPP-NPA ang sumuko na.

Binigyang-diin ng Army official ang kahalagahan na panatilihin ang pagsisikap laban sa mga armadong grupo na nagtatago sa mga kabundukan, at ng paghikayat ng NTF-ELCAC na hikayatin ang mga miyembrong magbalik-loob sa pamahalaan.

“Those who surrendered have said they were deceived and that their complaints against the government have been addressed such as basic services reaching communities, farm to market roads being built and reforms being made in the political system and the military,” wika ni Dema-ala. RNT/SA