Home METRO Dating pulis, 2 kasabwat arestado sa modus

Dating pulis, 2 kasabwat arestado sa modus

MANILA, Philippines-  Kalaboso ang isang pulis at dalawang kasabwat nito dahil sa pagbebenta ng nakaw na motorsiklo sa Sampaloc, Maynila.

Sa ulat, modus operanti ng dating police corporal at kasabwat na magmanman ng mga nakamotorsiklo para biktimahin, kung saan tututukan ng baril ang mga ito saka tatakutin.

Ang dalawang kasabwat ng dating pulis ang tatangay ng motorsiklo para naman ibenta online kung saan pinepeke nila ang mga dokumento tulad ng OR/CR ng motorsiklo para mabilis na maibenta.

Ayon kay P/Major Geo Colibao,chief investigator ng Sampaloc Police, patuloy ang pagpapanggap ng dating pulis na kahanay pa rin ng PNP sa pamamagitan ng kanyang pekeng ID.

Siinabi pa ni Colibao na batay sa complainant, ang dating pulis ay positibong kinilala na nanutok ng baril at kumuha ng motorsiklo ng dalawang katao.

Aniya, dating dismissed ang isa sa suspek at nakuha sa kanya ang dalang baril at may ipinakita ring ID na pulis at iba’t ibang ID.

Sa pamamagitan ng entrapment operation, matagumpay na naaresto ang dating pulis kasama ang kanyang dalawang kasabwat.

Naniniwala ang pulisya na malaking grupo ang nasa likod ng modus dahil mahigit 30 na ang natanggap nilang posibleng complainant.

Ayon kay Colibao, ang operasyon ng mga suspek ay sa San Jose Del Monte City sa Bulacan  at iba’t ibang lugar sa Metro Manila na maari umanong parte ng mas malaking grupo.

Nanindigan naman ang dating pulis na inosente siya at itinanggi ang paratang laban sa kanya.

Patong-patong na reklamo ang isinampa laban sa suspek kabilang ang estafa, usurpation of authority or official functions, falsification of documents, at illegal possession of firearms and ammunitions.

Estafa naman ang kinahaharap na reklamo ng dalawa nitong kasabwat. Jocelyn Tabangcura-Domenden