Home NATIONWIDE 2 opsyon para mapabalik si Teves tinatalakay ng PH, Timor Leste

2 opsyon para mapabalik si Teves tinatalakay ng PH, Timor Leste

MANILA, Philippines- Masusing nakikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa gobyerno ng Timor Leste kung paano mapababalik sa bansa si dating Congressman Arnulfo Teves Jr.

Sinabi ni DOJ Assistant Secretary Mico Clavano na dalawang opsyon ang ikinokonsidera ngayon ng pamahalaan– ang extradition o deportation.

Ayon kay Clavano, kung gagamitin ang extradition ay magiging international obligation ito na nangangahulugang maaring matagalan bago makabalik sa bansa si Teves dahil may mga dokumento pang kailangang ipadala sa Timor Leste kabilang ang warrant of arrest, investigation sheet at iba pa.

Kung idaraan naman aniya sa deportation ay magiging mas mabilis ang proseso dahil wala nang valid passport si Teves matapos kanselahin ito ng Department of Foreign Affairs.

Gayunman, nakasalalay ang timing sa gobyerno ng Timor Leste.

Magugunita na naaresto si Teves sa Dili East Timor habang naglalaro ng golf sa Top Golf Driving Range and Bar.

Si Teves ay nahaharap sa ilang bilang ng kasong murder kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at limang iba pa noong March 2023. Teresa Tavares