MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang foreign national sa magkahiwalay na operasyon sa Bohol at Cebu makaraang lumabag ang mga ito sa immigration laws dahil sa overstaying sa bansa.
Nabatid sa BI na nitong Pebrero 20, 2025 ay inaresto ng mga operatiba mula sa Intelligence Division ng BI, sa pakikipag-ugnayan sa Panglao Municipal Police, ang lalaking Chinese na si Dong Chengzhi, 27, sa Doljo, Panglao, Bohol.
Sa parehong petsa, sa koordinasyon ng Mabolo Police Station, inaresto ng mga operatiba ng BI ang Japanese national na si Takeshi Nishiyama, 48, sa Kasambagan, Cebu City. Parehong napatunayang lumampas sa kanilang awtorisadong panahon ng pananatili sa bansa.
Parehong inaresto ang dalawa matapos makatanggap ang BI ng intelligence reports na mayroong overstaying alien sa lugar.
Muling pinagtibay ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pangako ng Bureau sa pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon.
“The Bureau remains vigilant in tracking down overstaying foreign nationals and ensuring compliance with visa regulations,” ani Viado. “Violators will face legal consequences, and we will not tolerate any disregard for immigration laws,” dagdag pa ng opisyal.
Ang mga naarestong dayuhan ay mananatili sa ilalim ng kustodiya ng BI habang hinihintay ang pagresolba ng kanilang deportation case. JR Reyes