MANILA, Philippines- Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng isang lasing na MMDA enforcer na nagmaneho ng isang motorsiklo sa southbound lane ng EDSA busway matapos mahagip ng kanyang sasakyan ang dalawang pasahero na pababa ng bus.
Base sa video mula sa Department of Transportation (DOTr)-Special Action and Intelligence Committee for Transportation nitong Linggo, makikita na pinatatabi ng mga awtoridad ang motorsiklo ng enforcer sa gilid ng busway, subalit sa kanyang kalasingan ay hindi niya makontrol ang kanyang kilos.
“Ayon sa report, nagtamo ng sugat at galos ang dalawang komyuter na nahagip sa mabilis na patakbo nito sa kahabaan ng EDSA Busway sa dahilan na hindi niya alam na babaan at sakayan ito ng mga pasahero,” anang ahensya.
Nagpatulong ang driver at konduktor ng bus sa miyembro ng Philippine Coast Guard, dagdag ng ahensya.
“Bukod sa pagtangging ibigay ang kanyang lisensya sa mga ito, nagawa pang magalit ng enforcer at nagsabing ‘wag siyang pag-initan bagkus ay tulungan sa kadahilanan na magkakasama sila sa pagpapatupad ng batas trapiko,” ayon pa sa DOTr.
Anang mga awtoridad, inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng MMDA enforcer. RNT/SA