LANAO DEL SUR-NAUWI sa barilan ang kantiyawan sa social media ng magkakamag-anak na dating may alitan matapos magkapikunan ang mga ito, iniulat kahapon, Nobyembre 11 sa bayan ng Balabagan.
Kinilala ang mga nasawi sa mga pangalang sina Mandih at Nhor habang sugatan naman sina Abdul at Nash lahat ay magkakamag-anak at residente ng naturang lugar.
Batay sa report ng Balabagan Municipal Police Station, bago ang barilan noong Linggo, nagkaroon ng tuksuhan sa social media ang magkakamag-anak bilang daan para magkasundo ang mga ito sa dati nilang alitan.
Subalit, napikon ang kabilang panig dahilan para magkabarilan ang mga ito na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa at ikinasugat ng magpinsan.
Hindi naman nakuntento ang grupo ng mga nasawi at gumanti ang mga ito sa kalaban nilang kaanak sa pamamagitan ng pagsunog ng sasakyan at bahay.
Sa ngayon, sinisikap ng dalawang lokal na pamahalaan ng Balabagan at Kapatagan para magkaayos ang mga pamilyang sangkot na matagal nang may hidwaan. Mary Anne Sapico