Home NATIONWIDE 1M unresolved cases sa mga korte sa bansa

1M unresolved cases sa mga korte sa bansa

MANILA, Philippines – Nasa halos isang milyon ang bilang ng mga kaso ang hindi pa nareresolba ng mga korte sa buong bansa.

Ito ang ibinunyag ni Senator Grace Poe sa pagdaraos ng Senate plenary debates para sa 2025 General Appropriations Bill.

Ayon kay Poe, na siyang sponsor ng budget ng hudikatura, ang mga Regional Trial Court ang may pinakamataas na bilang na 362,000 na nakabinbin na mga kaso o unresolved cases.

Sinundan ito ng Shariah Courts na may 298,000 unresolved cases, Municipal Trial Courts in cities na mayroon 69,000 na hindi pa nareresolbang mga kaso, ang mga Family Courts ay may nakabinbin na 64,000 cases, Metropolitan Trial Courts na mayroon 40,000, Municipal Circuit Trial Courts na may unresolved cases na aabot sa 29,000, Municipal Trial Courts na may 28,000.

Samantala, nasa 26,000 ang hindi pa natatapos na kaso ng Court of Appeals, 14,756 sa Supreme Court, Court of Tax Appeals ay may unresolved cases na 1,500 habang ang Sharia Circuit Courts ay may 1,368.

Batay sa batas, ang isang kaso ay dapat maresolba sa loob ng 90 araw batay sa regular period. Ang mga judge na mabibigo na matapos ang isang kaso sa naturang period ay pinapatawan ng administrative case.

Sinabi ni Poe na sa kasalukuyan ay may 150 cases ng mga judge na nahaharap sa administrative complaints. TERESA TAVARES